Dalawang linggo nang nakakaraan nung huli tayong mag-usap. Tatlong linggo nung nalaman mong higit sa pagiging kaibigan ang nararamdaman ko para sa iyo.

Ayaw mo akong bitawan dahil kakaunti lang ang mga “intelektwal” mong kaibigan. Pero hindi ito sapat na dahilan para mapanatili ako. Pinili kong lumisan dahil habang tumatagal, hindi na nagdudulot ng maganda ang pagpapanatili ng komunikasyon sa iyo. Araw-araw akong nasasaktan sa tuwing makikita ko ang mga piyesa mo para sa kanya, puno ng pag-asa, minsan kasawian.

Inikot mo na ang buong buhay mo sa kanya at isinantabi ako. Nilagay mo na sya sa pedestal at walang makakabago ng isip mo. Hinayaan mo na ang sarili mong mabulag at malasing sa ideya ng pag-ibig. Hindi mo talaga sya mahal—gusto mo lang ang pakiramdam na nakukuha mo mula sa kanya.

Naaalala mo lang ako kapag bagot ka o kailangan ng libangan. Naaalala mo lang ako kapag hindi sya pwede sa lakad at kailangan mo ng kasama.

Di ko na kaya.

Di ko ginustong ibigin ka. Nagising na lang ako na ikaw ang unang naiisip sa umaga. Natutulog akong ikaw ang huling nasa isip sa gabi. Di mo alam kung gaano kita gustong makasama–ang mga maiiksing oras sa tuwing magkikita tayo, kulang pa. Pero ayaw kong sanayin ang sarili ko na nandiyan ka parati sa tabi ko, dahil alam kong ito lamang ay mga nakaw na sandali at alam ko, sa huli, wala pa rin akong ibang maaasahan kundi sarili ko.

Di mo lang alam kung gaano ako nag-aalala sa tuwing namumundok ka at kasabay ang masamang panahon. Di mo nakikita ang pagkabalisa ko sa tuwing makakarinig ako ng balita tungkol sa trabaho nyo o sa tuwing napapadaan ako sa inyong kampo. Higit sa lahat, di mo napapansin ang paglamlam ng mga mata ko sa tuwing binabanggit mo sya.

Di mo malalaman na ang mga gabing dapat inilaan sa pagtulog ay nilaan ko sa pag-isip sa mga plano natin at pag-iyak dahil hinding-hindi na ito matutupad kailanman.

Ginagawa ko ang lahat para kalimutan ka. Pinagbawalan na ako ng mga kasamahan ko sa trabaho na banggitin ka para mapadali ang transisyon ko sa dati kong buhay. Pero salamat sa pagbibigay ng lakas at direksyon sa buhay ko sa unang kalahati ng taon. Dahil sa iyo, alam kong may patutunguhan ang muli kong pag-aral. Alam kong di ako nag-iisa sa pagnanais ng pagbabago at mas magandang buhay para sa ating mga kababayan. Sana’y di ka tumigil sa iyong mga adbokasiya at mga gawaing aktibismo. Salamat sa pagpapalawak ng mundo ko.

Salamat sa pangungumusta sa akin, sa pagtatanong kung kumain na ba ako, at sa pag-alok na tulungan ako sa mga maliliit na bagay. Pareho nating ikinabubuhay ang paggamit ng mga salita—at sana sa mga sandaling iyon, bukal sa puso ang mga salitang binitawan mo dahil napasaya nito ang buhay ko kahit sa maiksing panahon.

Ikaw ang pangalawa kong leksyon. Hindi ito naging madali sa akin. Naging mapusok ako—hindi ako yung tipo ng taong naniniwala sa paggamit ng dating app pero nakumbinsi ako ng mga kasama kong gumamit nito. Malay ko bang sa pagiging pagkamausisa ko’y magkakakilala tayo. Ngunit hindi nga ito naging magandang pundasyon ng ating samahan—pareho tayong may sari-sariling pakay: ako, ang panandaliang paglimot sa lalakeng minahal ko bago ka dumating sa buhay ko at aliw sa paghuhusga ng mga profile ng mga tao (oo, mababaw rin ako); ikaw, pagpapalipas ng oras at paghahanap ng makakaraos ng libog (wag mo nang itanggi ito—ito ang madalas na rason bakit napakaraming lalake sa mga dating apps). Kapag ang tadhana nga naman ang nagbiro, ang saklap.

Hindi naging madali para sa aking ang magdesisyon. Ilang linggo akong wala sa sarili—tuliro, maiksi ang atensyon, hindi makapagtrabaho ng mabuti, hindi makakain, pagod na pagod, maitim ang ilalim ng mga mata. Maraming butas akong nakita. Masyado kang naging kampante di ako lilisan. Pero matagal ko nang nararamdamang hindi ka naman talaga seryoso kahit sa pagkakaibigan lang natin. Ilang beses akong naguluhan sa mga sinasabi at pinapakita mo. Sa huli, pinili ko pa rin ang sarili ko. Alam mo ang istorya ng buhay ko. At dahil naging malupit ako sa sarili ko noong nakaraang taon, hindi ko kayang paglabisan muli ang pagal kong isip at damdamin. Pagod na akong makaramdam ng pagbabalewala at sakit mula sa mga mahal ko sa buhay at ipinangako ko sa sarili kong hinding-hindi ko na ito pahihintulutan.

Dalawang linggo na ang nakalipas, at malamang mabilis mo na akong nakalimutan. Ititigil ko na ang paghahanap sa iyo sa lahat ng tao, bagay, hayop, sitwasyon, at lugar. Ititigil ko na rin ang pagsusulat tungkol sa iyo.

Balang araw, makakalimutan rin kita. At sana sa panahong iyon, makamit ko na ang pag-ibig at kaligayahan na matagal ko nang hinihiling.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s